0 notes &
Ako at Si Pilosopo Tasyo: Dasal, Sakal at Kasal
By: EK Encarnacion

Priscilla Chan at Mark Zuckerberg (Sinipi mula sa Yahoo! News)
Ilang araw na lang at Hunyo na. Bukod sa mga batang magiliw na namimili ng mga Dora the Explorer o Avengers-themed na bags, lunch boxes at pencil cases; bukod sa mga magulang na unti-unting sumasakit ang ulo dahil sa laki ng napipintong gastusin sa tuition fee, miscellaneous fee, presyo ng uniform at baon; bukod sa mga drayber ng jeepney at tricycle na muli na namang aarangkada ng madaling-araw upang makarami ng mga maihahatid na estudyante sa kani-kanilang paaralan; ay nariyan ang mga dalagang nagsusukat ng kanilang mga traje de boda at mga binatang nag-aayos sa harap ng salamin suot ang kanilang mga simpleng barong tagalog.
Panahon na naman ng kasalan. Matapos ang mataimtim na pagdarasal upang makahanap ng mapapangasawa at pagkadaka’y sapat na pera upang maituloy lamang ang kasal na inaasam-asam ng dalaga; buhay mag-asawa na ang dadanasin ng dalawang magsing-irog na haharap hindi lamang sa pari o pastor ngunit sa Diyos na magbubuklod sa kanila bilang isa.
Sabi nga ng ating mga ninuno, “Ang kasal ay hindi kaning isusubo na iluluwa kapag napaso.” At marahil mapapatunayan ito ng napakaraming mag-asawa na patuloy na pinaglalaban ang kanilang sinumpaan. Dahil ang bansa natin ay naniniwala sa kabanalan ng pagpapakakasal, marami sa miyembro ng ating lipunan ang naninindigang hindi dapat mapatupad ang diborsyo sa ating bansa. Kung kaya’t masasabi nating sa Pilipinas, DAPAT nag-iisip muna ang mga magsing-irog kung talagang gusto nilang makasama pang-habang-buhay ang kanilang napiling kabiyak dahil in the long run pagkatapos nang maipasa ang bouquet at garter wala na silang choice kung hindi mamumuhay sa kasaganaan at sa kahirapan, sa karamdaman at sa maayos na kalusugan together unless… nasa showbiz ka o pulitika (although hindi na rin natin makita ang boundary sa pagitan nila dahil may mga artistang pulitiko at pulitikong artista) kung saan may malaking tsansa na makipaghiwalay at magkaroon ng bagong asawa dahil siyempre walang mapapagpiyestahan sa mga tabloids, radyo at telebisyon. Nakakalungkot na marami sa mga nakakaluwag sa buhay ang pinipiling magfile ng legal separation o annulment makaligtas lamang sa sakal na dulot ng kasal. Bakit ganun na lamang ang pagbitaw sa tinuturing na isang sagradong sakramento? Bakit nga ba hindi kinilatis ng magsing-irog ang isa’t-isa bago sumagot ng, “I do”? Nakakalungkot na sa panahon ngayon ang asawa ay hinahalintulad sa damit—kapag hindi na uso, pwede na lamang palitan, ika nga ni Yeng Constantino.
At bakit nga ba ako napasulat ng blog entry tungkol sa kasal gayong single naman ako? Ito ay dahil kamakailan ay nabasa ko ang Yahoo! Article na Zuckerberg’s Post-IPO Wedding is Smart Legal Move na tungkol sa kasal ni Mark Zuckerberg at Priscilla Chan na timing naman ay isang araw matapos maaprubahan sa California (kung saan nakabase ang dalawa) ang communal property law na nagbibigay proteksyon sa mga pagmamay-ari ng mga mayayaman sakali mang mauwi sa diborsyo ang kanilang kasal. Nakakalungkot na bagamat dapat natutuwa ang lahat ng tao sa paligid dahil dalawang tao ang kakakasal lamang, heto at pinag-uusapan kung paano hahatiin ang kanilang assets sakali mang mauwi sa sampahan sa korte at malaon ay maghiwalay.
Napaisip tuloy ako. Tuluyan na nga atang nawalan ng halaga ang kasal lalo na sa mga may pera at lalo na sa mga bansang nag-apruba ng diborsyo dahil anupa’t maaari naman palang maghiwalay ng kahit anong oras at, ang pinakamahalaga pa, hindi magalusan ang pag-mamay-ari dahil protektado ng batas. Kung baga, safe na safe magpakasal dahil masaktan ka man emotionally, sagip ka naman financially. Sana nagkataon lang na ikinasal si Mark Zuckerberg kay Priscilla Chan isang araw matapos maisabatas ang communal property law. Sana patuloy silang mag-ibigan at hindi mauwi sa diborsyo. At least kahit ako man, hindi man ang iba, nananalangin ng isang mabuting buhay mag-asawa para sa kanila.
Dahil kung hindi nila ito mapatunayan, mas mabuti na palang nasa Pilipinas at dukha. Pagkatapos makaranas ng mga problema, malaki ang tsansa, hindi man lahat, ng mga mag-asawa na maging matiisin at mapaghusay ang kanilang mga pag-uugali—dasal, kasal, sakal at di katagala’y mabuting asal.
TUNGKOL SA MAY-AKDA
Sinipag lang magbasa si EK Encarnacion ng Yahoo! News (bagamat alam naman niyang marami sa mga artikulo nila ay wala naman talagang sense) kaya siya napasulat ng blog entry tungkol dito. Alamin ang mga hilig ng blogger na ito sa pagbisita sa kanyang mga blogs: mabusog sa Culinary Coliseum (food blog), gumala sa Travelocities (travel blog), at matutong magpasalamat sa By God’s Grace (gratitude blog). Ipakita ang iyong pagsuporta sa nagsisimulang blogger na ito sa pamamagitan ng pag-like sa kanyang Facebook Fan Page at Triond Page.









